
Sa isang pagkakataong lumilipad ang isip ko sa kawalan...
Tila sumasabay ang aking diwa sa mga ibon na sumasayaw sa saliw ng ihip ng hangin sa alangaang ng langit. Sa mga panahong banayad ang lahat at tahimik ang paligid ay hindi ko maiwasan ang mga alaalang hindi ko man nais masalimuha ay parang kusa na lang pumapasok sa aking isipan.
Mabagal ang hakbang ng aking mga paa habang naglalakad noon sa pasilyo ng aming silid-aklatan. Pakiramdam ko ay naglalakbay ako’t nakasakay sa ulap. Sa pagbukas ko ng nilumang pintuang kahoy ay sumalubong ang hindi magkamayaw na ingay ng mga estudyanteng hindi alintanang sila’y nasa silid-aklatan. Ngunit sa isipan ko noo’y walang ibang ingay kundi ang dalawang salitang binitiwan ng isang taong nagpatibok sa isang pihikang puso. Nanlalamig ang mga kamay ko noon, hindi sa kaba, kundi sa nararamdamang hindi maarok ng aking pagkatao. Nanginiginig ang dalawa kong tuhod habang binabagtas ang daan patungo sa lugar na kinahihimpilan ng aking mga kaibigan. Malayo pa man ako sa kanila’y wari kong matatanaw na ang guhit ng matamis na ngiti sa aking mukha at malabutuing kislap ng aking mga mata. Kung alam lang nila ang nangyari...
Magtatatlong taon na rin pala simula noon, o hindi kaya sobra pa? Hindi ko na alam. Hindi na ako nagbibilang. Marami na rin ang mga naganap kaya hindi ko na maalala ang bawat detalye ng masalimuot na kwento naming dalawa. Marahil dahil pilit ko itong inaalis sa aking isipan. May mga bagay talaga na dapat patulugin. Ngunit sa mga panahong lumilipad ang isip ko sa kawalan ay napapadpad ito sa mga senaryo ng nakalipas. Ang spin-the-bottle na nagmitsa ng lahat...na nasundan ng napakaraming sulat sa mga puting papel na pang-hayskul, at ang mga iyon ay abo na ngayon. Mayroon pang mga rosas na binigay niya noong prom. Tuyo na rin iyon ngayon at hindi ko na alam kung nasaan. Madalas kailangan ring alisin ang mga magpapagising sa mga bagay na dapat sana’y natutulog pa. Ngunit nariyan pa ang puting teddy bear at ang dalawang kwintas. Pinaampon ko muna siya sa isang kaibigan dahil hindi ko kaya na pareho ang kahantungan niya sa mga sulat sa puting papel. Sa tuwing titingin din ako sa buwan sa kadiliman ng gabi, nagugunita ko ang mga panahon na nagkikwentuhan kami sa tabi ng dagat sa ilalim ng dumudungaw ng liwanag ng buwan. Tinatanaw niya ang buwan at sasabihing napakaganda nito, pero ang daliri niya ay nakaturo sa akin.
Madalas naiisip ko na sana hindi niya na lang sinabi ang dalawang salitang iyon. Para tuloy akong isang batang natutulog sa gabi ng biglang naalimpungatan sanhi ng mga alitiit sa paligid. Pero napansin kong minsan ay masarap palang isipin na sa bilyon-bilyong tao sa mundo ay may isang nakakita ng iyong kagandahan na hindi mo wari. Ngunit madalas ko ring naiisip kung ang dalawang salita ba na yun ay kaya niyang tumbasan ng “habambuhay”. Madalas tinatanong ko rin kung matutumbasan ko rin ang lahat ng ito. Ngunit ngayon, naintindihan ko na. Ito marahil ang nais ng Diyos na ituro sa akin hanggang sa maging handa na ako sa tamang panahon at sa tamang tao. Kaya sa dalawang salita niya noon ay sumusukli ako ngayon ng tatlong salita. “Maghintay ka sana.”
(at naghintay nga siya. :D )
(reblogged from FB notes Oct.31, 2009)
No comments:
Post a Comment
so what can you say? :)