Wednesday, March 30, 2011

Up or Down

Naranasan mo na bang sa gitna ng masaya ninyong pagkikwentuhan ng iyong kaibigan tungkol sa napakahaba at nakaririnding pila sa enrollment, o kaya sa madugong exam na binigay ni Sir noong nakalipas na isa o sampung buwan, o sa lalaki na boyfriend ni ganito na nilandi ni ganyan na kababayan ng bumagsak sa Math 17 kay Sir ano at nag-transfer sa kung saan, o sa gumagala raw na white lady sa dorm, o sa darating na eleksyong pinagpipipyestahan na naman ng commercials sa TV, o kung kelan ka pa kaya huling nagbunot ng kilay, o kaya kung ilan na ang units na naenroll sa’yo na kahit anong sikap mo yatang pumila eh wala pa ring nangyayari...nang biglang huminto ang bunganga ng kaibigan mo sa kadadada at tila may nakitang kung anong mahiwaga sa iyong mukha. Dahan-dahan niyang kinuha ang kung anong mahiwaga sa iyong mukhang nakalagi sa iyong pisngi...isang pilikmata.

“Mag-wish ka.”


“Up or down?”

“Down. Hindi matutupad ang wish mo.”
Pambihira! Paano kung nag-wish ako na magkatuluyan kami ni toot-toot, e di hindi na magkakatotoo yun!
Yun na nga eh. Hindi talaga magkakatotoo ang isang pangarap kung magwi-wish ka lang. Kahit ubusin mo pa ang pilikmata mo.

Marami sa atin ang nagwi-wish na sana pumasa sa Accounting o ano pang mga subject, o kaya maging maging DL pa rin o maging DL naman sana, o kaya maging CPA balang araw o iba pang propesyon, o kaya magkaroon ng magarang kotse, malamansyong bahay, gwapong asawa, maraming pagkain, at higit sa lahat, maayos na buhay. Hindi naman talaga masamang mangarap, pero kung hanggang pangarap ka lang, hindi rin ito makabubuti, lalo na kung kinabukasan mo na ang nakasalalalay. Sabi pa nga ni Will Smith, oo ni Will Smith at nabasa ko pa ito sa Quotable Quotes ng Reader’s Digest, “There’s never a thing that you are successful at of which you did not work for everyday.” Oh diba, bongga. Pati nga mga commercials sa TV ng mga pasikat na artista at pasikat ng mga personalidad ay walang patid sa pagkumbinsi sa’yong kumilos. Ikaw ang simula. Ikaw mismo. Sama-sama sa hirap, hindi ka nila iiwan, abilidad at talino, pagbabago...para maiba naman.

Kaya imbes na tumingin ka sa horoscope mo, o magpuyat sa gabi para makakita ng bulalakaw sa langit, o magsayang ng sampung pisong barya para itapon lang sa wishing well, bakit kaya hindi mo subukang pagkatapos mong mag-Farmville at mag-comment dito sa sinulat ko na note sa Facebook eh mag-advance read ka na, magtipid o mag-ipon ng pera sa kinabukasan, o gawin na ang mabubuting mga ideyang naisip mo nung Pasko nung nakaraang taon na hanggang ngayon ay hindi mo pa naumpisahan...o basta, alam mo na rin ang nararapat na gawin. Hindi mo lang ginagawa.

No comments:

Post a Comment

so what can you say? :)